Timbog ng pulisya ang dalawang suspek matapos mahulihan ng nasa Php1.2 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation ng Bulacan PNP sa Barangay Tabang, Guiguinto, Bulacan bandang 8:30 ng umaga ng ika-11 ng Marso 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Christian Alucod, Chief of Police ng Guiguinto Municipal Police Station, ang dalawang nahuling suspek na sina alyas “Bude”, 41 anyos, residente ng Barangay Sta Rita, Guiguinto, Bulacan at alyas “Tsong”, 44 anyos, residente ng Barangay Sapang, San Miguel, Bulacan.
Nasabat sa mga suspek ang humigit-kumulang 180 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang Php1,293,300, buy-bust money at isang caliber .38 revolver na may tatlong bala.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous drugs Act of 2002” at RA 10591 o kilala bilang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” kaugnay sa Omnibus Election Code ang kakaharapin ng mga suspek.
Ang sunod-sunod na operasyon kontra ilegal na droga sa lalawigan ay nagpapatunay ng dedikasyon at epektibong pagganap ng Pambansang Pulisya upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan, tungo sa isang mas ligtas at drug-free na lipunan para sa lahat.