Bacolod City – Nakumpiska ang aabot sa Php1,224,000 na halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng PNP sa Old Airport Runway, Brgy. Singcang Airport, Bacolod City, bandang alas-5:52 ng hapon, nitong ika-8 ng Enero 2024.
Kinilala ni Police Captain Melvin Mercado, Hepe ng Police Station 8, BCPO, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Mark”, 19, nakatira sa Brgy. 30, Pilipinhon, Bacolod City at alyas “Anthony”, 31, nakatira sa Purok Paghidaet, Brgy. 29, Bacolod City, at parehong naitala bilang mga High Value Individual sa nasabing siyudad.
Ayon kay PCpt Mercado, ang operasyon ay pinangunahan ng Police Station 8 – Bacolod City Police Office kasama ang Bacolod City Mobile Force Company at PNP Drug Enforcement Group SOU6.
Nakumpiska sa mga suspect ang pitong malaking heat-sealed plastic sachet at tatlong knot tied plastic na parehong naglalaman ng hinihinalang shabu kabilang ang buy-bust item na may timbang na 180 gramo, buy-bust money na Php1,000 at ilang non-drug items.
Dinala ang mga naarestong suspek sa himpilan ng Bacolod City Police Station 8 para sa paghain ng angkop na kaso sa paglabag sa RA 9165 or Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng matibay na dedikasyon at pagtutulungan ng komunidad at pulisya sa pagsugpo sa ilegal na droga.