Quezon – Tinatayang Php1,338,240 na halaga ng shabu ang nasabat sa tatlong suspek kabilang ang isang High Value Individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng Quezon PNP sa Purok Talabis, Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City nito lamang Linggo, Enero 15, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Ledon Monte, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office, ang mga suspek na sina alyas “Maricris”, 29, residente ng Purok Damayan, Mababang Iyam, Lucena City; alyas “Neil”, 27; at Rodrigo Velez Brondo, 30, parehong residente ng Purok Talabis, Mababang Iyam, Lucena City.
Ayon kay PCol Monte bandang 9:18 ng gabi naaresto ang mga suspek ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Lucena City Police Station, Quezon Provincial Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency 4A Quezon, Quezon Maritime Police Station, Criminal Investigation and Detention Group-Quezon at Regional Intelligence Unit-Quezon.
Narekober sa mga suspek ang 18 pirasong heat-sealed transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 65.6 gramo na nagkakahalaga ng tinatayang Php1,338,240, dalawang coin purse, apat na pirasong Php1,000 bill, at isang pirasong Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Hindi titigil ang kapulisan sa pagsugpo ng ano mang uri ng kriminalidad, sama sama at tulong tulong ang kapulisan at pamayanan sa pagkamit ng payapa at maunlad na komunidad” ani PCol Monte
Panulat ni PEMS Joe Peter Cabugon, RPCDU4A