Cagayan – Ligtas na nasagip ng Cagayano Cop ang isang Philippine Hawk Eagle na kanyang nadaanan sa bayan ng Sta. Praxedes, Cagayan nitong Huwebes, Marso 30, 2023.
Ayon kay Police Staff Sergeant Romulo Dela Cruz, MCAD PNCO ng Claveria Police Station, habang siya ay lulan ng kanyang sasakyan at pabalik sa kanilang himpilan mula sa Brgy. Visitation at KASIMBAYANAN Activity ay napansin niya ang isang agila na nahihirapang makalipad. Agad siyang huminto sa pagmamaneho at inobserbahan ang ibon. Napansin niyang mababa lamang ang lipad nito at patuloy na bumababa sa lupa.
Maingat na kinuha ni PSSg Dela Cruz ang agila at dinala sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) Claveria kung saan ito sinuri ni Doctor Roco Gearheart.
Isinangguni naman ng nasabing opisina ang insidente sa DENR-CENRO Sanchez Mira kung saan ito inobserbahan ng 24 oras bago ito tuluyang pinakawalan.
Source: Claveria Police Station/ Cagayan Public Information Office
Panulat ni Police Staff Sergeant Mary Joy D Reyes