Arestado ang isang pedekab drayber sa isinagawang drug buy-bust operation ng Iloilo City Police Station 1-Station Drug Enforcement Team (SDET) nito lamang Miyerkules ika-31 ng Hulyo 2024 sa Barangay Zamora-Milleza, City Proper, Iloilo City.
Kinilala ni Police Captain Roque Gimeno III, hepe ng Iloilo City Police Station 1, ang suspek na si alyas “Kevin”, 44 anyos, dating residente ng nasabing lugar at kasalukuyang nakatira sa Barangay Boulevard, Molo, Iloilo City.
Ayon kay Police Captain Gimeno III, nagbibiyahe ng pedikab si alyas Kevin sa Barangay Zamora-Milleza mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon habang nagbebenta ng ilegal na droga sa mga kalapit na lugar. Bandang alas-5:00 ng hapon naman umuuwi ang suspek sa Barangay Boulevard para magbenta naman sa ibang lugar.
Wala pang record ng pagkakahuli sa kaso o may kinalaman sa ilegal na droga ang suspek pero ilang beses na siyang nahuli sa pagnanakaw, ayon sa pulisya.
Nasamsam mula sa suspek ang mahigit kumulang 7 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may Standard Drug Price na Php68,000.
Binigyang diin naman ng Punong Barangay na minomonitor nila ang ilegal na gawain ng suspek noong Pebrero dahil sa mga impormasyong ipinaabot sa kanila.
Pinagsabihan din ng barangay officials si alyas Kevin na huminto kaya’t huminto diumano ito. Pero paminsan-minsan bumabalik pa rin sa bisyo.
Kasalukuyang nasa himpilan na ng Police Station 1 ang suspek para sa tamang disposisyon ng kanyang kaso na may paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang mga ganitong hakbang ng Iloilo City PNP ay napakahalaga na naglalayong patuloy na malinis ang ating komunidad mula sa mga ilegal na gawain.
Source: Aksyon Radyo Iloilo
Panulat ni Pat Ryza Valencia