Camp Crame – Pormal nang itinalaga si Police Colonel Rogelio Simon bilang Acting Director ng Police Security and Protection Group (PSPG) sa idinaos na Assumption of Office na ginanap sa Star Lounge ng PNP National Headquarters, Camp Crame, Quezon City bandang 9:00 ng umaga nito lamang Lunes, Agosto 7, 2023.
Ang naturang seremonya ay pinangunahan mismo ni Police General Benjamin Acorda Jr., Hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas, na dinaluhan naman ng mga opisyal ng PSPG, mga malalapit na kaibigan, mga dating nakasama sa trabaho at mga opisyal ng Police Community Affairs and Development Group na kung saan tatlong taon na nanilbihan si PCol Simon at malaki ang naging kontribusyon sa lahat ng accomplishments ng naturang unit.
Sa kanyang assumption speech, ipinahayag ni PCol Simon na gagampanan niya ang kanyang tungkulin sa pagpapatupad ng pangangalaga ng seguridad, demokrasya, pambansang kaganapan, mga dignitaryo at mga VIPs sa ating lipunan.
Hinikayat din nito ang kooperasyon ng bawat miyembro ng PSPG upang mas maging epektibo at maabot ang mga layunin ng naturang unit sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Samantala, sa mensahe naman ni PGen Acorda ay malaki ang kanyang tiwala sa kapasidad ng bagong Acting Director ng PSPG na ma-iapply lahat ng natutunan nito pagdating sa administration, operations, intelligence at police community relations na magiging susi sa isang mas progresibo na pagbibigay ng seguridad hindi lang sa mga indibidwal kundi sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ng ating komunidad.
Panulat ni PSSg Grace Neville L Ortiz