Pinangunahan ni Police Colonel Jay C Dimaandal, Provincial Director ng Pampanga Police Provincial Office ang paglunsad ng Simultaneous COMELEC Checkpoint Operations sa buong lalawigan sa pagpasok ng Election period nito lamang Linggo, ika-12 ng Enero 2025.



Buong handang ipinatutupad ng Pampanga PNP ang gun ban na itinakda ng Commission on Elections (COMELEC), na tatagal mula Enero 12 hanggang Hunyo 11, 2025.
Binigyang-diin ni PCol Dimaandal na mahalaga ang mga checkpoint operations upang mapigilan ang karahasan at iba pang ilegal na gawain na may kaugnayan sa eleksyon, at naglalayong masiguro ang kaligtasan, seguridad, at integridad ng nalalapit na Midterm at National Elections.
Pinaalalahanan ang mga motorista na sundin ang mga panuntunan tulad na lamang ng pagmenor habang papalapit sa checkpoint, pagpatay ng malakas na ilaw (dim headlights), pagbukas ng ilaw sa loob ng sasakyan at pagtugon nang maayos sa mga tanong ng pulisya.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala o pagbiyahe ng anumang uri ng baril, armas, o pampasabog sa panahon ng eleksyon.
Ang sinumang lalabag ay mahaharap sa mabigat na parusa, kabilang ang pagkakakulong mula isa hanggang 12 taon.
Tiniyak naman ng PCol Dimaandal na mananatiling propesyonal, magalang, at may respeto ang mga pulis at sinusunod ang Revised Police Operational Procedures at mga direktiba ng COMELEC upang mapanatili ang karapatan ng bawat mamamayan.
Hinihikayat ang publiko na makipagtulungan at sumunod sa mga alituntunin upang maging maayos ang mga operasyon at iulat ang anumang kahina-hinalang gawain at patuloy na suportahan ang mga hakbang ng kapulisan para sa maayos, mapayapa, at ligtas na eleksyon.
Panulat ni Pat Lixen Reyz A Saweran