Timbog ang isang aktibong tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos mahuli sa akto ng pagbebenta ng mga smuggled na sigarilyo sa bayan ng Salug, Zamboanga del Norte nito lamang ika-7 ng Marso 2025.
Kinilala ni Police Colonel Rainier Diaz, Provincial Director ng Zamboanga del Norte Police Provincial Office, ang suspek na si PO2 Alnasheed Sarail Mohammad, 44 anyos, residente ng Lumiyap, Divisoria, Zamboanga City.
Ayon kay PCol Diaz, nahuli ang suspek ng mga tauhan ng RMU 9 Tracker Team at Zamboanga del Norte Maritime Police Station, habang nagbebenta ng mga kahon ng “New Berlin” na smuggled na sigarilyo.
Narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang 200 reams ng New Berlin cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng Php229,200 at isang unit ng Toyota Vios (dark brown) na may plate number na KAR 7655 na tinatayang nagkakahalaga naman ng Php800,000.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10863 o ang “Customs Modernization and Tariff Act” at RA 10643 o ang “Graphic Health Warnings on Tobacco Products”.
Inulit ng PNP ang paninindigan na mas paigtingin ang mga kampanya laban sa smuggling sa rehiyon. Hinihimok din ang publiko na makipagtulungan at agad iulat ang anumang kahina-hinalang gawain upang mapanatili ang kaayusan sa kanilang nasasakupan.