Sa hangaring paigtingin pa ang internal cleansing initiative sa loob ng PNP, pinangunahan ni PRO MIMAROPA Regional Director Police Brigadier General Roger L Quesada ang isang region-wide surprise drug testing sa mga tauhan ng PNP na ginanap sa Camp BGen Efigenio C Navarro, Calapan City, Oriental Mindoro nito lamang ika-2 ng Enero 2025.
Ang hindi inanunsyo na on-the-spot na drug testing ay naglalayong ipakita ang mahigpit na pangako ng PNP sa pagpapanatili ng pinakamataas na pamantayan ng integridad at propesyonalismo sa loob ng organisasyon.
Pinangunanhan ng Regional Forensic Unit MIMAROPA ang pagsasagawa ng drug test, na inaasahang ilalabas ang mga resulta sa loob ng dalawang araw. Samantala, nagsagawa rin ng on-the-spot drug test sa lahat ng Police Provincial Offices sa rehiyon.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni PBGen Quesada ang kahalagahan ng panukalang ito bilang pagsuporta sa internal cleansing program na itinataguyod ni Chief PNP PGen Rommel Francisco D Marbil, na nagpapatibay sa matatag na paninindigan ng PRO MIMAROPA laban sa ilegal na droga.
Ang inisyatibang ito ay binibigyang-diin ang matatag na pangako sa transparency, pananagutan, at integridad sa loob ng hanay ng kapulisan. Ito ay sumasalamin sa malinaw na mensahe tungkol sa dedikasyon sa pagtataguyod ng isang organisasyong walang droga at pagpapanatili ng mga pamantayan sa etika at moral sa tungkuling sinumpaan.
Source: PRO MIMAROPA
Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadaña