Lapu-lapu City – Arestado ang isang pasahero ng PNP AVSEGROUP sa Mactan-Cebu International Airport matapos makitaan ng baril sa kanyang bagahe noong Pebrero 9, 2023.
Ayon sa imbestigasyon ng Mactan-Cebu International Airport Police Station, bandang alas-7 ng gabi nang mapansin ng X-ray operator ang isang korteng baril sa bagahe ng isang pasahero habang ito ay dumadaan sa security screening.
Agad tinawag ng x-ray operator si Patrolman Aldrin Palattao, upang respondehan ang nasabing report at ang may-ari ng bagahe kung saan kinumpirma na kanya ito.
Nagsagawa ng inspeksyon si SSO Jake Abrenica, OTS duty baggage inspector, at nakita ang isang 38 kalibreng baril (revolver) na may laman na isang bala.
Hinanapan ni Pat Palattao ng kaukulang mga papeles ang may-ari ngunit wala syang maipakita dahilan ng kanyang pagkakaaresto.
Nahaharap ang nasabing pasahero sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Pinuri naman ni Police Brigadier General Anthony A Aberin, Director ng PNP AVSEGROUP, ang matagumpay na pagkakaaresto ng nasabing pasahero.
“Patuloy ang ating kampanya kontra-boga katuwang ang mga ahensya na katulong natin sa pagtataguyod ng kaayusan sa mga paliparan”, ayon kay PBGen Aberin.
###