Pasado na sa senado ang panukalang batas para itaas ang edad ng statutory rape mula 12-anyos sa 16-anyos.
Nagpahayag ng suporta si PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa planong pagpapalawig sa batas. Aniya, malaking tulong ito upang maprotektahan ang mas marami pang indibidwal laban sa pang-aabuso.
“Suportado ng PNP ang panukalang ito upang mas maprotektahan natin ang mga bata na nagiging biktima ng rape sa ating bansa. Naniniwala ako na panahon na rin upang repasuhin ang batas hinggil sa rape dahil na rin sa nagbabagong sitwasyon sa lipunan,” pahayag ng hepe.
“Any measure that will ensure the creation of a safer environment for children will always be supported by the police organization,” dagdag pa ni Eleazar.
Sa botong 22 at isang (1) abstention, ipinasa ang Senate Bill 2332 o An Act Increasing the Age for Determining Statutory Rape and other Acts of Sexual Abuse and Exploitation to Protect Children.
Aamyendahan nito ang Republic Act 3815 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Nakapaloob sa panukalang batas na maituturing na statutory rape ang pakikipagtalik sa babae o lalaki na may edad 16 pababa at maaaring kasuhan kahit lalaki o babae.
Kaugnay nito, tiniyak ni PGen Eleazar na naka-alerto ang PNP upang tulungan at bigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng pang-aabuso sa bansa.
“Kakampi ninyo ang pulis sa bagay na ito. Huwag kayong magdalawang-isip na lumapit sa kapulisan kung kayo ay naging biktima ng sexual abuse. Handa kaming tumulong upang papanagutin ang mga taong gagawa nito sa inyo,” giit ni PNP Chief.
###
Article by PCpl Josephine T Blanche – RPCADU 2