Matuguinao, Samar (January 6, 2022) – Sa pinalakas, pinalawak at walang humpay na operasyon na isinasagawa ng PNP-Special Action Force sa probinsya ng Samar, nagresulta ito sa pagkakakubkob muli ng mas malaki at panibagong kuta ng teroristang NPA noong ika-6 ng Enero, 2022 sa Brgy. Camonoan, Matuguinao, Samar.
Ang natagpuang kuta ay may apat na bunkers o kublian at isang kweba. Ang naturang kweba ay may habang 100 meters at lalim na 10 meters na may dalawang lagusan. Tinatayang kaya nitong gawing tirahan ng 30 katao.
Bukod dito, sari-saring kagamitan naman ang nasamsam sa loob ng kweba: isang (1) Honda Generator (C3000), isang (1) rolyong 50-meter hose, isang (1) printer, subersibong dokumento, isang (1) android phone, apat (4) na keypad (samsung) phone, dalawang (2) back pack, mga kagamitang panluto, at iba pang personal na kagamitan.
Samantala, sa labas ng kanilang kuta ay may sandamakmak na kagamitang pang giyera ang nasamsam. Ilan sa mga ito ay: isang Bushmaster rifle, isang Cal. 30 carbine rifle, 25 Cal. 30 ammunition, apat na Carbine Magazine, isang (1) cal. 22 rifle, isang (1) blasting cap, IED wire, 15 pirasong PVC pipe (2 inches diameter, 1 meter length), at Battery.
Ito ay maituturing na malaking panalo laban sa hanay ng teroristang grupo.
Magugunitang kamakailan lamang ay sunod sunod ang mga nakubkob ding mga kuta ng teroristang grupo ng ating kapulisan sa parehong lugar. Nagpapahiwatig lamang nito na pahina na nang pahina ang pwersa ng teroristang grupo. Ito ay resulta ng pakikipagtulungan ng komunidad sa ating mga kapulisan.
“Napakatagal na panahon na kaming iginagapos ng teroristang grupo sa kanilang baluktot na pakikibaka. Mula noon ay hindi na naging normal ang aming pamumuhay. Lalo kaming nilulugmok sa kahirapan sapagkat itinataboy nila ang mga programang pangkabuhayan ng gobyerno sa amin. Laking pasalamat namin at dumating ang PNP-SAF na layuning tapusin na ang terorismo dito sa amin. Handa kaming makipagtulungan sa pwersa ng gobyerno upang mapabuti na ang aming lugar. Ito ay hindi lamang para sa amin kundi pati sa hinaharap ng aming mga anak at mga apo,” galak na pahayag ng isang nakakatandang residente sa bayan ng Matuguinao.
Sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga tao sa komunidad at kinasusuklaman ang teroristang grupo, hindi malayong mawawakasan na sa lalong madaling panahon ang pasakit, pahirap at karahasan ng teroristang grupo sa lalawigan ng Samar.
Makakaasa ang bawat mamamayan na ang inyong PNP-Special Action Force ay patuloy na isusulong ang kapayapaan sa ating mga kanayonan at hindi titigil sa pagsupil sa makateroristang gawain at tinitiyak na mananagot sa ating mga batas ang mga rebelding sumisira sa buhay ng ating mga inosenting kababayan.
Samantala, patuloy padin ang panawagan ng gobyerno sa lahat ng nalalabing kasapi ng CPP-NPA na gumising na sa katotohan, ibaba na ang mga armas at magbalik loob na sa pamahalaan.
May mga nakahandang pinansiyal at pangkabuhayang suporta para sa mga susukong kasapi ng teroristang grupo. Higit sa lahat, makakapamuhay sila ng payapa kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
#####
Panulat ni: Pat Darice Anne Regis
Saludo tayo sa PNP good job..salamat