Nakiisa ang Pampanga PNP sa pagpupulong ng Provincial Joint Security Control Center (PJSCC) bilang paghahanda para sa 2025 Midterm Elections, kasama ang Commission on Elections (COMELEC), at Armed Forces of the Philippines (AFP) nito lamang, Biyernes, ika-24 ng Enero 2025.
Pinangunahan ni Atty. Lydia V. Florentino-Pangilinan, Provincial Election Supervisor IV, ang naturang pulong kasama sina Police Colonel Jay C Dimaandal, Provincial Director ng Pampanga Police Provincial Office, at LtCol Ryan Joseph Cayton, Commanding Officer ng 70th Infantry Battalion ng Philippine Army, pati na rin ang iba pang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya.
Kabilang sa mga pangunahing paksa ay ang pagtukoy sa mga election areas of concern.
Dalawang lugar sa Pampanga ang na-flag bilang high-risk areas—ang Arayat at Lungsod ng San Fernando—dahil sa tumitinding tensyon sa politika at iba pang banta sa kapayapaan at kaayusan.
Bukod dito, tinalakay din ang kasalukuyang kalagayan ng kapayapaan at kaayusan sa Pampanga, mga contingency plan para sa mga sakuna tulad ng sunog at lindol, at mga update mula sa COMELEC, kabilang na ang pagpapatupad ng local absentee voting.
Sa kanyang talumpati binigyang-diin ni PCol Dimaandal ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga ahensya upang masiguro ang mapayapang halalan at buong puso ang dedikasyon ng Pampanga Police Provincial Office, katuwang ang COMELEC at AFP, sa pangangalaga ng demokratikong proseso ng mapayapa at kredibleng halalan.
Panulat ni Pat Marimar Junio