Sorsogon – Labis ang pagdadalamhati ng pamilya ng isang pulis na pinaslang ng mga rebeldeng NPA sa Sorsogon noong ika-28 ng Pebrero, 2022.
Kinilala ang pulis na si Police Corporal Ryan Atos, 28, may nobya, naging working student para makatapos ng kursong Bachelor of Science in Criminology sa Bicol College Daraga, Albay, at residente ng Purok 1, Barangay Quiwalo, Daraga, Albay.
Si Police Corporal Atos ay kabilang sa Public Safety Basic Recruit Course (PSBRC) Class 2016 (MAKARABA) at naitalaga sa 504th Manuever Company ng RMFB 5 na nakabase sa Sorsogon.
Ayon sa ina ni Police Corporal Atos na si Ginang Gladiola Atos, ang nasawing pulis ay mabait, matulungin at responsableng anak at kapatid.
Ayon pa kay Ginang Atos, nakatakda sanang ikasal si Police Corporal Atos sa darating na Disyembre ngayong taon.
Samantala, binisita ni Police Brigadier General Jonnel Estomo, Regional Director ng Police Regional Office 5 ang labi ni Police Corporal Atos na nakaburol sa kanilang bahay.
Aniya, ipinaparating niya ang taos pusong pakikiramay sa buong pamilya at mga naiwan ni Police Coporal Atos.
Nakatakdang ilibing ang mga labi ni Police Corporal Atos sa Martes, ika-8 ng Marso 2022 sa Forest Lake Memorial Park, Legazpi City, sa ganap na alas-12:00 ng tanghali.
Source: KASUROG Bicol
###
Panulat ni Patrolman Rodel C Grecia