Pinabulaanan at naglabas ng pahayag ang Police Regional Office 11 tungkol sa mga akusasyong pagtatanim ng bala sa KOJC Compound at iba pang mga isyu na pinupukol sa pulisya nito lamang Agosto 31, 2024.
Binigyang-diin ni PRO 11 Spokesperson Police Major Catherine Dela Rey na walang basehan ang akusasyong nagtanim o magtatanim ang PNP ng ebidensya sa loob ng KOJC Compound.
Giit pa nito, ang PNP ay malinaw na nagsasagawa lamang ng operasyon alinsunod sa batas na may transparency, kung kaya naman ay bilang parte ng legal na proseso ang natagpuang bala sa KOJC Compound ay kasalukuyang nasa ilalim ito ng masusing imbestigasyon.
Dagdag pa, ang pagpupumilit ng mga miyembro ng KOJC na ipadaan sa scanner ang mga kagamitan na bahagi ng operasyon ay isang hakbang na maaaring magpahirap sa proseso. Aniya pa nito, walang personal na interes ang kapulisan na makuha ang anumang bagay sa KOJC Compound.
Ipinahayag rin nito na hindi ginawang command center ng PNP ang KOJC Cathedral at sa halip, ang mga akusasyong ito ay malinaw na pamamaraan lamang upang sirain ang kredibilidad ng operasyon ng PNP.
Sa kabila ng hamon sa operasyon na ito, nananatiling matatag at tapat sa tungkulin ang Pambansang Pulisya. Hindi kailanman mangyayaring pababayaan ng mga alagad ng batas ang pangangailangan kabilang na ang atensyong medikal ng bawat miyembro ng KOJC.
Patunay na rito ang ginawang agarang pag-responde ng PNP medical team hindi lamang sa mga kasamahan nito kung hindi pati na rin sa mga KOJC members.
Patuloy ang PNP sa pagpapatupad ng batas at sinisiguro ang kaligtasan ng bawat Davaoeños at hinihingi ang buong kooperasyon ng mamamayan na sumunod sa ating batas upang matunton ang kinaroroonan ni Pastor Apollo Quiboloy at mga kasama nito na may patong-patong na kaso.