Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang pagsibak sa dalawang (2) pulis na kasalukuyang sumasailalim sa Field Training Program matapos maakusahan sa kasong panggagahasa.
Kinilala ang mga suspek na sina AJ Magsino at Jack Marquez, pawang police trainees ng Rodriguez Municipal Police Station sa Rizal.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, inimbitahan umano ni Magsino ang babaeng text mate nito sa isang hotel upang makipagtalik. Pagkatapos ay iniwan ni Magsino ang babae sa kwarto habang natutulog. Pumasok naman si Marquez sa kuwarto at di umano ay hinalay ang babae na nagising at tumakas upang i-report ang nangyaring insidente.
“Seryoso ang bintang laban sa dalawang ito kaya’t inatasan na natin ang Rizal Provincial Police Office na masusing imbestigahan ang kaso. Ito ay patunay lamang na normal na ang mabilis na aksyon ng PNP sa pagtugon sa mga reklamo sa aming hanay dahil ito naman ang ating ipinangako sa ating mga kababayan,” pahayag ni PGen Eleazar.
“Kung mapatunayang totoo ang alegasyon, hindi na natin hahayaan pang mapabilang sa hanay ng PNP ang mga ito. Ngayon pa lang ay dapat putulin na ang anumang pagkakataon ng mga ito na makapasok sa PNP at makapang-abuso pa ng kapangyarihan,” giit ng hepe.
Kasalukuyang nakakulong sina Magsino at Marquez na pawang nahaharap sa kasong administratibo at kriminal.
Tiniyak naman ni PNP Chief na mabibigyan ng karampatang proteksyon ang biktima.
Photo Courtesy: isorepublic.com
#####
Panulat ni: Police Corporal Josephine T Blanche