Camp BGen Salipada K Pendatun, Parang, Maguindanao – Sinigurong ligtas at payapa ng Police Regional Office BAR ang pagsasagawa ng NAPOLCOM Special Qualifying Eligibility Examination (NSQEE) para sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), na ginanap sa iba’t ibang paaralan sa Cotabato City at Lamitan City, Basilan nito lamang Mayo 29, 2022.
1,052 PNP personnel ang naka-deploy sa 14 na paaralan sa Cotabato City at Lamitan City upang matiyak ang mapayapa at maayos na pagsasagawa ng eksaminasyon gayundin ang 379 PNP personnel na nagsilbing facilitator habang naka-standby ang PNP Medical Teams para sa suportang medikal.
11,072 kwalipikadong miyembro ng MILF at MNLF ang nakilahok at sumailalim sa nasabing eksaminasyon na matagumpay na naisagawa mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng tanghali.
Ang matagumpay na makakapasa sa pagsusulit ay pagkakalooban ng NAPOLCOM ng eligibility na magagamit lamang ayon sa naaangkop sa pansamantalang appointment sa ranggo ng Patrolman/Patrolwoman sa Philippine National Police (PNP) na itinakda sa NAPOLCOM Resolution No. 2022-0081.
Samantala, ang PRO BAR ay nakatuon sa pagtulong at pagbibigay ng suporta sa NAPOLCOM at sa BARMM Government para sa pagpasok ng mga kwalipikadong miyembro ng MILF at MNLF sa Philippine National Police.
###
Panulat ni Patrolman Mark Vincent Valencia