Ang buong Pambansang Pulisya ay nakikiramay sa pamilyang naiwan ni PCpl Ryan Atos na napatay dahil sa marahas na pag-atake ng mga miyembro ng Communist New People’s Army (BHB) sa kampo ng 504th Police Maneuver Company sa Pilar, Sorsogon noong Pebrero 28, 2022.
Lubos tayong nalulungkot sa kanyang sinapit matapos ang sunud-sunod na pagpapaputok ng mga rebeldeng grupo na nagresulta sa kanyang pagkamatay. Nararamdaman namin ang pamilya ng biktima. Ang kanyang pagkamatay ay dapat mabigyan ng katarungan at ito ay ‘di magkakaroon ng walang kabuluhan.
Kinokondena natin ang karumal-dumal na aktibidad ng mga teroristang grupong ito. Hindi makatao ang kanilang ginawa at nararapat lamang na ito ay kanilang pagbayaran. Kaya naman, nakikiisa tayo sa panawagan at pagkondena ng Commission on Human Rights sa marahas na pag-atake ng mga teroristang grupo sa kampo ng kapulisan.
Ang pangyayaring ito ay ilan lamang sa napakaraming kasamahan na kanilang ginawa. Ito ay isang patunay na walang magandang ginagawa ang mga teroristong grupo sa ating lipunan. Patuloy silang kumikitil ng buhay hindi lamang ng kapwa nating mga pulis at sundalo, kundi maging ang buhay ng mga sibilyan.
Ang pag-atakeng ito ay tunay na paglabag sa karapatang pantao hindi lang ng ating kapulisan, kundi ng ating mga kababayan. Hinding-hindi ito makatwiran at sadyang walang kasing sama.
Nagpapasalamat tayo sa CHR sa pagpapahayag ng kanilang pag-aalala tungkol sa maliwanag na paglabag sa mga karapatang pantao ng mga teroristang grupo. Ito ay malaking tulong sa ating hanay sa pagtukoy at pag-usig sa mga taong responsable sa pangyayari.
Sa kabila nito, sumasaludo tayo sa kabayanihang ipinamalas ni PCpl Atos na nagbuwis ng buhay upang maipagtanggol ang kapayaan at katahimikan sa lugar. Ang iyong katapangan at kadakilaan ay bayaning maituturing sa ating hanay. Hindi man ikaw nagtagal sa pagseserbisyo subalit ang iyong sakripisyo ay habang-buhay na dadalhin ng ating organisasyon.
Patuloy din tayong nakiki-usap sa ating mga kababayan na makipagtulungan sa ating pulisya. Kung mayroon kayong nalalamang impormasyon tungkol sa kanilang plano at aktibidad, ipagbigay-alam ito sa otoridad upang maaksyunan. Mag-ingat at maging alerto rin tayong lahat sa ating kapaligiran o pangyayari upang hindi tayo mabiktima ng kanilang mapanlinlang at mga karumal-dumal na aktibidad
xxx