Taguig City — Nag-umpisa na ang paghahanda ng mga kapulisan mula sa Southern Police District (SPD) para sa darating na Semana Santa na magsisimula ngayong Linggo ng Palaspas (April 2) hanggang Abril 9 (Linggo ng Pagkabuhay) ngayong 2023.
Ito ay kasunod ng paglulunsad ng “Ligtas Sumvac” 2023 nitong Marso 31 ng Philippine National Police upang matiyak na ligtas ang publiko at mga turista habang nagbabakasyon.
Ang SPD ay nag-deploy na ng mga pulis sa bawat Lunsod upang masiguro ang mapayapa at maayos na Semana Santa at matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa panahon ng Kwaresma.
Ang SPD na binubuo ng 6 na syudad, ang Pasay, Makati, Paranaque, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig at Pateros na nag-iisang munisipyo ng National Capital Region ay may kabuuang 82 na simbahan kung saan 323 na mga pulis ang nakadeploy.
Bukod sa pagsisiguro ng kaayusan sa mga lugar ng pagsamba, ang SPD ay magpapakalat din ng 141 na mga pulis sa 19 na pangunahing daanan (major thoroughfares), kabilang ang Nichols Interchange, upang matiyak na ang daloy ng trapiko ay mananatiling maayos at ligtas.
Higit pa rito, 110 naman na mga tauhan ang ipapakalat upang masiguro ang kaayusan sa 28 transport hubs/terminals sa nasasakupan ng SPD.
Upang matiyak ang mga seguridad sa 46 commercial areas sa loob ng Southern Metro Manila, ipapakalat din ang 109 tauhan bukod pa dito ang 86 na tauhan ng pulisya ang magbabantay sa iba pang mga places of convergence gaya ng mga mall.
Maglalagay rin ang SPD ng 9 one-stop-shop help desks sa buong AOR, na tatauhan ng 46 PNP personnel para magbigay ng police assistance.
“Ang SPD at lahat ng aming mga tauhan ay handang tumugon sa anumang sitwasyon na nangangailangan ng aming agarang aksyon. Hinihimok ko ang publiko na maging mapagmatyag at iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad na kanilang makikita. Sama-sama tayo upang masiguro ang ligtas at payapang pagdiriwang ng Semana Santa,” ani PBGen Kirby John B Kraft, DD, SPD.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos