Lanao del Sur – Nauwi sa engkwentro ang paghahain ng Warrant of Arrest na ikinamatay ng Top 4 Most Wanted Person ng Rehiyon ng Bangsamoro sa Brgy. Dulay West, Marawi City, Lanao del Sur noong March 29, 2023.
Kinilala ni PCol Robert Daculan, Provincial Director ng Lanao del Sur Police Provincial Office, ang nasawing suspek na si alyas “Basab” na isang Top 4 Most Wanted Person ng rehiyon, isang tagasuporta ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at kabilang sa ibang aktibidad ng ilegal na droga at gun trafficking.
Ayon kay PCol Daculan, maghahain lamang sana ng Warrant of Arrest ang mga operatiba ng Lanao del Sur PPO, PNP SAF at Criminal Investigation and Detection Group BAR ng biglang namaril ang suspek na nauwi sa palitan ng putok na sanhi sa pagkakasugat nito.
Dinala ang suspek sa Amai Pakpak Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Samantala, nagsagawa ng mabusising imbestigasyon ang SOCO sa pinangyarihan ng krimen at narekober ang isang yunit ng Colt Caliber 45 Pistol, isang yunit ng caliber .22, isang hand grenade, isang magazine na may isang round ng bala, at apat na empty shell mula sa caliber 45.
Ang napatay na suspek ay nagtatago para sa kasong Murder at Frustrated Murder.
Bukod dito, ang napatay na suspek ay sangkot din sa pag-ambush sa dating mayor ng Masiu noong 2018 na si Mayor Pangandaman at ang escort nito, na nagsanhi sa pagkamatay ng isang pulis at pagkasugat sa iba pang kasamahan.
Pinapurihan naman ni PBGen John Gano Guyguyon, Regional Director ng PRO BAR, ang mga operatiba sa kanilang matagumpay na operasyon at nabigyang hustisya ang pamilya ng biktima na napatay ng suspek.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay na ang mga personahe ng PRO BAR ay hindi nagpapabaya sa kanilang sinumpaang tungkulin para makamit ang kapayapaan tungo sa kaunlaran ng bansa.
Panulat ni Mark Vincent Valencia