Nasawi ang tatlong pulis habang apat naman ang sugatan sa naging engkwentro sa Brgy. Mahayag, Sta. Margarita, Samar nito lamang Martes ika-30 ng Enero 2024.
Ito ay matapos maghain ng Warrant of Arrest ang mga tauhan ng 1st Samar Provincial Mobile Force Company kasama ang Regional Mobile Force Battalion 8 laban sa Ampoan Criminal Group na nauwi sa palitan ng putok.
Kinilala ang mga suspek na sina Edito Ampoan, Jojo Altarejos at Rogelio Macurol na pawang mga residente ng Brgy. Mahayag, Sta. Margarita, Samar na kumpirmadong miyembro ng Ampoan Criminal Group.
Kinilala naman ang mga pulis na nagbuwis ng buhay na sina Police Master Sergeant Paul Terrence G Paclibar, Police Staff Sergeant Christian D Tallo at Police Corporal Eleazar DC Estrelles Jr. at ang mga sugatan naman ay sina PCpl Rannel P Pedamato, PCpl Mark Jason Sixta, Pat Ham Kritnere H Capalis, at Pat Mark C Redoblado.
Kasabay ng pagkakadakip sa apat na mga itinuturong suspek ay narekober din sa crime scene ang isang (1) M16 riffle, isang (1) kalibre .45 pistol at ilang mga bala.
Labis naman ang hinagpis at pakikiramay ng pamunuan ng Police Regional Office 8 sa pangunguna ni Police Brigadier General Reynaldo Pawid sa pamilyang naulila ng mga nasawing pulis sa operasyon kung saan inihayag nito ng pagsaludo sa kanilang kabayanihang ipinamalas sa ngalan ng serbisyo.
Tiniyak naman ni PBGen Pawid na hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya sa mga naulilang kaanak at mga kapamilya. Sa ngayon ay ipinag-utos na nito ang mas pinaigting na hot pursuit operations sa iba pang mga tumakas na suspek.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Elena B Singian