South Cotabato – Nauwi sa engkwentro ang paghahain ng Warrant of Arrest kung saan patay ang tinaguriang Top 9 Regional Most Wanted Person habang arestado naman ang tatlong kasamahan nito sa Purok Quirino, Brgy. Talahik, Surallah, South Cotabato nito lamang ika-8 ng Mayo 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Joel Fuerte, Hepe ng Surallah Municipal Police Station, ang nasawing suspek na si alyas “Maufong”, 52, at kinilala naman ang tatlong naaresto na sina alyas “Jastine”, 24; alyas “Jerald”, 20, pawang mga residente ng nasabing lugar at alyas “Rey”, 42, na residente naman ng Brgy. Lampari, Surallah, South Cotabato.
Ayon kay PLtCol Fuerte, dakong 6:30 ng gabi nang ihahain ang Warrant of Arrest sa kasong Murder laban kay alyas “Maufong” nang bigla na lamang pinaputukan ng mga suspek ang mga operatiba dahilan para gumanti ng putok ang mga tauhan ng Surallah MPS, South Cotabato Provincial Forensic Unit, South Cotabato Provincial Intelligence Unit.
Narekober mula sa mga suspek ang isang yunit ng granada, isang yunit ng 12-gauge homemade pistol na may kasamang mga bala, mga iba’t ibang uri ng ilegal na baril at mga bala.
Pinuri naman ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12 ang serbisyong nagkakaisa ng South Cotabato PNP para kanilang matagumpay na operasyon at pinahusay na manhunt operations laban sa mga kriminal upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa kanilang nasasakupan.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay Medelin/RPCADU12