Maguindanao – Nauwi sa engkwentro ang paghahain ng Warrant of Arrest ng mga tauhan ng PNP at Marines sa isang suspek sa kasong Frustrated Murder at kasamahan nito sa Sitio Pindulunan Brgy. Bugasan Sur, Matanog, Maguindanao noong Hunyo 16, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Christopher Panapan, Provincial Director, Maguindanao Police Provincial Office, ang mga suspek na sina Norodin Guiamad, 35-40, may Warrant of Arrest dahil sa kasong Frustrated Murder; at Puti Sumanday, 35-40, kapwa residente ng Sitio Pindulonan Brgy. Bugasan Sur, Matanog, Maguindanao.
Dagdag pa, sa pamamagitan ng intel-driven operation, natunton ng mga operatiba ang pinagtataguan ng mga suspek.
Habang papalapit ang mga operatiba mula sa Matanog Municipal Police Station, Philippine Marines, Marine Battalion Landing Team-5, Barira MPS, 1st Provincial Mobile Force Company para ihain ang Warrant of Arrest ay pinaputukan ng akusado at ng kanyang grupo ang mga tropa na nag-udyok sa mga operatiba na gumanti at nagresulta sa tama ng bala sa ulo at katawan ng akusado at ng kanyang kasamahan na naging sanhi ng kanilang pagkamatay habang ang iba ay nakatakas.
Narekober sa operasyon ang isang M16 rifle at isang Caliber .45 pistol na nasa kustodiya ngayon ng Matanog MPS para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon, habang ang mga bangkay ay inangkin ng Barangay Local Government Unit para sa Muslim Burial Rights.
Samantala, pinuri ni Police Brigadier General Arthur Cabalona, Regional Director, PRO BAR, ang hindi natitinag na pagsisikap at dedikasyon ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba sa pagpuksa sa kriminalidad sa pamamagitan ng pinahusay na manhunt operations laban sa mga kriminal.
Dagdag pa rito, ipagpapatuloy ng mga operatiba ng Maguindanao PPO ang kanilang imbestigasyon para matukoy ang mga miyembro ng armadong grupo ng suspek at ang kanilang mga ilegal na aktibidad na maaaring makasagabal sa kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
###
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz