Cotabato – Patay ang tatlong katao matapos makipagbarilan sa mga awtoridad na may bitbit na Arrest Warrant laban sa mga suspek sa Brgy. Macabual, Pikit Cotabato SGA BARMM nito lamang Sabado, Marso 11, 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel John Miridel Racho Calinga, Hepe ng Pikit Municipal Police Station, ang tatlong nasawi na suspek na sina alyas “Maano”, alyas “Norman” at si alyas “Baganian”, na pawang magsasaka at residente ng Brgy. Macabual, Pikit Cotabato, SGA BARMM.
Kinilala naman ang sugatang pulis na si Police Corporal Eric Buslayan na nakatalaga sa 45th Special Action Company ng Special Action Force.
Dagdag pa ni PLtCol Calinga, bandang 5:15 ng umaga nang nilusob ng pinagsanib na pwersa ng 4th SAB, 11 SAB, SAF; Regional Intelligence Division 12; 90th Infantry Battalion (IB); 34IB, 602nd BDE; 1st,2nd Cotabato Provincial Mobile Force Company; Provincial Intelligence Unit (PIU); Cotabato Police Provincial Office; at Pikit MPS, ang naturang lugar upang hulihin ang dalawang notoryus na kriminal sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Murder at Attempted Murder.
Pinaputukan ng mga suspek ang mga awtoridad dahilan para gumanti ang mga ito na nagresulta sa pagkasugat ng isang pulis at pagkasawi ng tatlong suspek.
Narekober sa mga suspek ang apat na unit ng M16 rifles na may serial number na RP 111332, RP 199417, RP 121076 at RP 119596; isang unit ng home-made shotgun na walang serial number; dalawang M16 magazines; 48 na piraso na bala ng 5.56mm; isang piraso ng bala ng 12 gauge shotgun; limang pirasong basyo ng 5.56mm; at dalawang bandolier.
Patuloy pa ring nakaalerto ang mga awtoridad para hulihin ang dalawang nakatakas sa target ng operasyon kung saan naghahasik ng karahasan at takot sa mga mamamayan.
Source: Pikit Municipal Police Station