North Cotabato – Nauwi sa palitan ng putok ng baril ang paghahain ng Warrant of Arrest at Search Warrant ng mga awtoridad sa isang High Value Individual sa Sitio Kisupit Brgy. Marbel Matalam, North Cotabato nito lamang Huwebes, Hunyo 1, 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Arniel Melocotones, Hepe ng Matalam Municipal Police Station, ang mga nasawing suspek na sina alyas “Dekit Unsil”, target ng operasyon at itinuturing na Top 4 Regional Most Wanted Person; alyas “Naks” at alyas “Manalinding”, habang ang naarestong suspek naman ay kinilalang si alyas “Harold”, pawang nasa hustong gulang at residente ng nasabing barangay.
Dakong 7:00 ng umaga nang makarating sa lugar ang mga tauhan ng Matalam PNP, Regional Intelligence Division 12, PNP Special Action Force, Cotabato Provincial Police Office, Highway Patrol Group-12 at 602nd Brigade Philippine Army, na may bitbit na search warrant at warrant of arrest na ipinalabas ng korte upang ihain kay alyas “Dekit Unsil” ngunit nang namataan ng naturang grupo ng mga awtoridad ay bigla na lamang pinaputukan ng mga suspek ang mga operatiba dahilan para gumanti ng putok na nagresulta sa pagkakasawi ng tatlo at pagkakaaresto ng isa pang suspek.
Nasabat mula sa mga suspek ang humigit kumulang 24 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php182,250, dalawang yunit ng Cal.45 na baril, isang Cal. 38, magazines, fire cartridges, mga bala, at pitong yunit ng motorsiklo.
Pinuri naman ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12 ang serbisyong nagkakaisa ng kasundaluhan at miyembro ng Cotabato PNP para sa matagumpay na operasyon at pinahusay na law enforcement operations laban sa mga kriminal upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa kanilang nasasakupan.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin/RPCADU12