Lanao Del Sur – Nauwi sa engkwentro ang paghahain ng Warrant of Arrest ng PNP sa Brgy. Pilintangan, Wao, Lanao Del Sur noong Abril 13, 2022.
Kinilala ni PCol Christopher Panapan, Provincial Director ng Lanao del Sur Police Provincial Office ang suspek na si William Comayog Gandawali, incumbent Barangay Chairman ng Brgy. Inuduran, Kolambugan, Lanao del Norte at ang biktima na si Patrolman Raul Asilum.
Ayon kay PCol Panapan ang suspek na siyang lider ng Gandawali Criminal Group ay sangkot sa iba’t ibang aktibidad ng ilegal na droga at pananambang na nagresulta sa pagkamatay ng pitong operatiba ng PDEA sa Brgy. Malna, Kapai, Lanao del Sur noong Oktubre 2018.
Ayon pa kay PCol Panapan ay ihahain sana nila ang Warrant of Arrest laban sa suspek subalit agad silang pinaputukan kaya nagkaroon ng palitan ng putok sa magkabilang panig na naging dahilan sa pagkakasugat sa suspek at kay Patrolman Asilum.
Agad namang dinala ang suspek sa Wao District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang M79 grenade launcher, isang M16A1 caliber 5.56 mm Elisco rifle, dalawang bandoliers, ilang magazines, bala, two-way radio, at isang cellphone.
Samantala, nananawagan naman ang PNP na mas makabubuti kung makipagtulungan na lang sa ating mga awtoridad upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari.
###
Panulat ni Patrolman Mark Vincent Valencia