Naging mapayapa at maayos ang naging sitwasyon sa pagdiriwang ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Gitnang Luzon nito lamang ika-1 at 2 ng Nobyembre 2024.
Ito ay sa pangangasiwa ni Police Brigadier General Redrico A Maranan, Regional Director ng Police Regional Office 3, kasama ang ibang ahensya ng gobyerno at Local Government Units sa Central Luzon na tiniyak na maging maayos at mapayapa ang UNDAS sa pagdagsa ng publiko sa mga sementeryo.
Ayon kay PBGen Maranan, “maliban sa pagsusugal sa loob ng isang sementeryo sa Sto Domingo, Nueva Ecija, insidente ng pagsuway sa mga pulis sa La Paz, Tarlac at pagdadala ng baril ng isang nagpakilalang army na walang kaukulang dokumento sa Cuyapo Public Cemetery ay wala nang naitalang major untoward incidents sa paggunita ng Undas.”
Nakakumpiska din ng mga ipinagbabawal na gamit sa mga sementeryo kagaya na lamang ng mga matatalim na bagay, mga alak, mga gamit pangsugal, at iba pa.
Pinasalamatan din ni PBGen Maranan ang iba’t ibang ahensya at force multipliers na katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa mga sementeryo, terminals at iba pang pampublikong lugar.
“Kami po ay patuloy na nakaantabay upang masiguro ang kaligtasan ng ating publiko sa pagdalaw nila sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay gayundin naman sa kanilang pagbabalik sa kani-kanilang mga trabaho. Muli din naming pinapayuhan ang publiko na sumunod sa mga pinaiiral na panuntunan sa mga sementeryo sa kanilang patuloy na pagdalaw dito,” dagdag ni PBGen Maranan.
Panulat ni Patrolwoman Maurene A Kiaki