Kasalukuyang iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) Anti-Kidnapping Group (AKG) ang insidente ng pagdukot sa anim (6) na katao sa Laurel, Batangas.
Nangako si PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa mga pamilya ng biktima na hindi titigil ang kapulisan hangga’t hindi nai-uuwi ang mga biktima at mapanagot ang mga suspek.
“Inatasan ko na ang Director ng aming Anti-Kidnapping Group na tutukan ang kasong ito, kasama ang pakikipag-ugnayan sa pamilya at mga kakilala ng mga biktima upang matukoy kung bakit ba nangyari ang insidenteng ito. Ramdam ko ang pagkabahala ng mga magulang at kaanak ng mga biktima so we assure them that their PNP will do everything in its power to solve this case,” wika ni PGen Eleazar.
Kinilala ang anim (6) na biktima na sina Mark Nelvin Caraan, Shane Despe, Carlo Fazon, Eugene Noora, Mar Christian Ore at Paulino Sebastian.
Pauwi na sana ang mga ito sa Dasmariñas City, Cavite mula sa bakasyon sa Lian, Batangas nang harangin ng armadong grupo at pilit binuksan ang kanilang sasakyan sa kahabaan ng Tagaytay-Nasugbu Road.
Natagpuan naman ng Batangas Provincial Police Office ang sasakyan ng mga biktima na inabandona sa kagubatang bahagi ng Barangay Bunggo, Calamba City, Laguna.
Umapela si PNP Chief Eleazar sa sinuman na maaaring may impormasyon hinggil sa naturang insidente na makipagtulungan sa PNP upang agarang malutas ang kaso at mailigtas ang mga biktima.
Photo Courtesy: philnews.ph
#####
Panulat ni: Police Corporal Josephine T Blanche