Ligtas at naging matiwasay ang naging pagdiriwang ng pasko at pagsalubong ng bagong taon sa Central Visayas, ayon sa Police Regional Office 7.
Batay sa pahayag ng PRO 7, ito ay base sa mga ulat na natanggap mula sa City at Provincial Offices nito, kung saan mababa ang bilang na naitala ng insidente na kaugnay sa paputok, maging sa malalaking insidente.
Bunga ang makabuluhang tagumpay sa naging mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa mga convergence places, tourists destinations, mga simbahan at terminals, kalakip ang serye ng mga inspeksyon para sa tiyak na pagbibigay katuparan ng mga panukala sa pagkamit ng pangunahing hangarin ng Regional Director, PBGen Anthony A Aberin, na mapababa ang krimen sa kapaskuhan at masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mamamayan.

Simula Disyembre 16, 2023 hanggang sa bagong taon, 2024, naitala ang makabuluhang pagbaba ng kabuuang insidente ng krimen sa 11.58% na may 1,908 na kaso mula sa 2,129 noong nakaraang taon.
Ayon kay PBGen Aberin, produkto ito ng proactive stance ng PRO7 sa pagbibigay seguridad sa komunidad sa kanilang pagdiriwang sa pagtatag ng mga panukala mula sa ibang ahensya ng pamahalaan, sa pakikipagtulungan ng mga NGO at ng mamamayan.
“We are happy that we were able to provide a very peaceful environment during the Holidays. We are now shifting gears for the security coverage for the upcoming Sinulog 2024. PRO7 is optimistic that we will sustain the peace and order in Central Visayas with the help of our security allies in the law enforcement and the community”, saad pa ng Heneral.