Tinanggihan ng Korte Suprema ang mga apela upang baligtarin ang desisyon nito na umaayon sa konstitusyonalidad ng mga kinuwestiyong probisyon ng batas laban sa terorismo na ipinasa noong taong 2020 o ang Anti-Terror Law.
Nitong Abril 26 naglabas na ng pahayag ang Public Information Office ng Korte Suprema ukol sa pasya nitong pinal na tanggihan ang mga mosyon dahil sa kakulangan ng mahahalagang isyu at sapat na argumento ng mga umaapela. Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang kopya ng resolusyon ng nasabing desisyon.
Lubos namang ikinalulugod ng pambansang pulisya ang balitang ito dahil ang desisyon na ito ng Korte Suprema ay isang tagumpay hindi lamang para sa gobyerno, kundi para sa buong bansa laban sa mga taong ginawa nilang iisang layunin na maghasik ng kaguluhan, karahasan, at terorismo sa ating bansa. Ang desisyon ay nagpapatunay na ang Anti-Terror Law ay nagpoprotekta sa mga karapatan ng lahat ng mga mamamayan at lubusang naaayon sa ating saligang batas.
Layunin ng batas na ito na protektahan ang buhay, kalayaan at ari-arian mula sa terorismo; para kondenahin ang terorismo bilang pangunahing banta sa kapayapaan at seguridad ng bansa at kapakanan ng ating mga kababayan at upang ituring na krimen laban sa sambayanang Pilipino, laban sa sangkatauhan at laban sa batas ng mga bansa ang anumang uri ng terorismo.
Kaalinsunod nga nito, mas magiging determinado ang ating mga kapulisan upang isakatuparan ang layunin ng ating mahal na pangulo na mag-iwan ng legasiya ng kapayaan sa pamamagitan ng pagwakas sa insurhensya, terorismo at iba pang banta sa kapayapaan ng bansa.
Sa mga miyembro ng mga rebeldeng komunista na sinasabing gagamiting sandata ng mga pulis ang batas na ito upang sindakin at supilin di umano ang mga kababayan nating aktibista at malayang nagpapahayag ng kanilang mga saloobin – tinitiyak ng pambansang pulisya na ang batas na ito ay hindi magiging paksa ng anumang pang-aabuso dahil malinaw na ang isang simpleng pagpapahayag ng adbokasiya o hindi pagsang-ayon o iba pang katulad na paggamit ng mga karapatang sibil at pampulitika ay hindi itinuturing na mga gawaing terorista. Kaya nga ang kalayaan sa pagpapahayag ay itinataguyod at lubos na iginagalang.
Huwag tayong magpalinlang sa mga propaganda ng mga teroristang ito, sapagka’t layunin lamang ng mga ito ang magpalaganap ng karahasan at kaguluhan sa bansa. Kaya naman paulit-ulit naming hinihingi ang tulong ng ating mga kababayan upang makiisa sa gobyerno sa pagsupil sa mga nagdadala ng walang habas na kaguluhan sa ating bayan.
Ang desisyong ito ng katas-taasang hukuman ay lalong magpapatibay sa layunin ng batas kontra terorismo para sa kapayapaan. Makatitiyak na ngayon ang mamamayang Pilipino na magagamit na ng gobyerno ang buong kapangyarihan ng batas na ito upang maprotektahan sila laban sa mga kakila-kilabot na epekto ng terorismo.
###