Quirino – Nagsagawa ng isang makabuluhang aktibidad ang mga kapulisan ng Cabarroguis Police Station na tinawag na pa-birthday ng pulis na handog sa mga SpEd students o mga kabataang may espesyal na pangangailangan mula sa Cabarroguis Central School, Integrated SpEd Center, Cabarroguis, Quirino noong Martes, ika-17 ng Oktubre 2023.
Ipinagdiwang ni PCpt Seony Rose Monforte, Deputy Chief of Police ng Cabarroguis Police Station ang kanyang apatnaput isang kaarawan na may temang “Fortyone ni Kapitan” kung saan itinampok din ang best practice ng Quirino PNP na project Damayan.

Naging makulay ang birthday ni kapitan dahil sa pakikipagtulungan ng Early Child Care and Development, KKDAT, NARIAG, LGBTQ, Municipal Advisory Group, Provincial Health Office at Rural Health Unit Office ng Cabarroguis.
Kitang kita naman ang kasiyahan ng mga batang umabot sa mahigit isang daan at bilang sukli, naghandog ang SpEd students ng sayaw upang ipakita ang kanilang talento para kay kapitana.

Nagkaroon din ng feeding program at ang tampok sa nasabing aktibidad ay ang pamamahagi ng mga food packs, hygiene kits, school supplies, mga vitamins, nagkaroon din ng libreng gupit at livelihood training sa paggawa ng dishwashing soap para naman sa mga magulang na dumalo.

Ayon kay PCpt Monforte, naisip niya na ipagdiwang ang kanyang kaarawan kasama ang mga SpEd Children upang ibahagi din ang biyaya na kanyang natatanggap matapos malagpasan ang mga pagsubok na nagdaan at bilang pasasalamat sa lahat ng tao na naging katuwang niya sa pagbibigay serbisyo sa mga taong higit na nangangailangan.
Source: Cabarroguis Ps
Panulat ni Police Staff Sergeant Jermae Javier