Ipinatupad ang Oplan Harabas o Surprise Drug Testing sa mga pangunahing land terminals sa Cotabato City nito lamang ika-15 ng Abril 2025.
Pinangunahan ito ni PDEA BARMM Director Gil Cesario P. Castro, katuwang ang Bangsamoro Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Cotabato City Police Office, Philippine Marines, Regional Highway Patrol Unit-BARMM, City Public Order and Safety Office, at ang Pamahalaang Lungsod ng Cotabato—bilang pagpapakita ng pagkakaisa ng iba’t ibang ahensya para sa kaligtasan ng publiko.

Sa isinagawang on-site drug testing, lahat ng 75 drivers at conductors mula sa Mindanao Star, Husky, Kutoco, A to Z, at Bangsamoro Van terminals ay nagnegatibo sa paggamit ng ilegal na droga, alinsunod sa RA 9165, RA 10586, at DDB Regulation No. 2, Series of 2004.
Layon nitong tiyakin ang ligtas, maayos, at drug-free na biyahe ng mga pasahero ngayong Semana Santa.
Bukod dito, namahagi rin ng mga drug advocacy materials sa mga tsuper, konduktor, at pasahero bilang bahagi ng kampanya kontra droga at pagbibigay kaalaman sa publiko.
Ang operasyon ay patunay ng patuloy na serbisyo publiko at malasakit ng mga ahensyang nagsusulong ng ligtas at malinis na komunidad, lalo na ngayong panahon ng pagninilay at paglalakbay.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora J Agbuya