Pinangunahan ni OIC, PNP PLtGen Vicente D Danao, Jr ang pagdiriwang ng ika-6 na Taong Anibersaryo ng PNP-EOD/K9 Group bilang Guest of Honor and Speaker na ginanap nito lamang Martes, Mayo 17, 2022 sa PNP Multi-Purpose Center, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Ayon sa bagong talagang PNP-EOD/K9 Group Director, PBGen Ritchie Medardo A Posadas, ang tema anya sa kanilang pagdiriwang ngayong taon ay ang “Competency and Community Awareness Realizing Lasting Partnership of Outstanding Service and Safer Community” na kung saan ay tampok sa nasabing pagdiriwang ang pagbibigay kilala at parangal sa mga pulis na nagpamalas ng kanilang magagandang accomplishments hindi lamang sa PNP-EOD/K9 Group kundi maging sa Pambansang Pulisya sa pangkalahatan.
Binati at pinasalamatan naman ni PLtGen Danao, Jr ang PNP-EOD/K9 Group sa pamumuno ni PBGen Posadas dahil sa kanilang mga kontribusyon sa Pambansang Pulisya mula noong ito ay itinatag. Pinuri din niya ang mahalagang ginagampanang papel at mandato ng PNP-EOD/K9 Group sa Pambansang Pulisya.
Sa kasalukuyan, ito ay binubuo ng 2,113 masisipag at dedikadong tauhan na nakadeploy sa 170 Explosive Ordnance Disposal (EOD) at Canine Units sa buong bansa upang patuloy na makapagbigay seguridad at kaligtasan ng mamamayan.
Patuloy din ang paghikayat at pag-recruit ng mga bagong patrolman at patrolwoman na nais maging bahagi ng Unit.
Katulad ng mga kasamahan sa PNP, iniaalay ng PNP-EOD/K9 Group ang kanilang buhay araw-araw upang maisagawa ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Sa katunayan nito, nakapagtala na ng 431 disposal operations na may kabuuang 143.6 tonelada ng Unexploded Ordnance (UXO), Explosive Remnants of War (ERW), at Improvised Explosive Device (IED) at iba pang gamit pampasabog na nakukumpiska at narerekober.
Nakapaglunsad din ng programang Project: A.B.K.D. (Awareness of Bombs that Kill lives and Destroy properties) na may layong maabot, matulungan, at makapagbigay kaalaman at kamalayan sa pamayanan na maaaring maging biktima ng ERIs.
Hangad ni PBGen Posadas na ang Grupo nito na pagsapit ng taong 2024 ay maging isa na itong komprehensibong Operational Support Unit at lalong mapalakas sa larangan ng kanyang mandato sa pagsugpo at pagpigil ng krimen, terorismo at mga gawaing may kinalaman ang ilegal na droga, banta ng bomba o pagpapasabog.
Gayundin ang mapalawig ang kakayahan sa pag-neutralisa sa mga panganib na dulot ng Chemical, Biological, Radiological at Nuclear (CBRN).
Sa gabay ni PLtGen Danao, OIC ng Pambansang Pulisya, na sama sama natin isulong ang kapayapaan at kaligtasan ng sambayang Pilipino para sa maunlad na bayan.