Naaresto ng mga kapulisan ang ika-dalawa sa listahan ng Regional Most Wanted Persons sa Cagayan Valley dahil sa kasong 27 Counts of Rape, sa isinagawang operasyon sa isang liblib na lugar sa Sitio Binagguan, Barangay Ueg, San Mariano, Isabela hapon ng Marso 16,2026.
Kinilala ang suspek na si alyas “Danny”, 23 taong gulang, walang asawa at trabaho, at residente ng nasabing lugar. Ayon sa ulat ng pulisya, higit isang buwan nang nagtatago ang suspek sa nasabing lugar.
Ikinasa ang matagumpay na operasyon.
Naaresto ang suspek sa pangunguna ng San Mariano Police Station katuwang ang iba’t ibang unit ng PNP sa bisa ng Warrant of Arrest na walang inirekomendang piyansa.
Ayon kay PBGen Antonio P Marallag, Jr, Regional Director ng Police Regional Office 2, ang pagkakaaresto sa suspek ay patunay na walang humpay ang kampanya ng kapulisan para sa hustisya ng mga biktima ng kriminalidad sa rehiyon. Aniya, hindi titigil ang PRO 2 hanggat ang lahat ng mga wanted persons, lalo na yaong mga suspek ng pang-aabuso ay naihaharap sa batas.
“Ito ay malinaw na patunay ng ating matatag na paninindigan sa pagbibigay hustisya sa mga biktima ng kriminalidad. Asahan niyo na patuloy ang operasyon ng mga kapulisan upang masakote ang mga lumalabag sa batas alinsunod sa Focused Agenda ng PNP”, ani PBGen Marallag, Jr.
Source: PRO 2 / https://www.facebook.com/share/p/18YJj3f6WY/



