Olongapo City — Naaresto ang isang notoryus na online scammer sa bisa ng Warrant of Arrest na ipinatupad ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nito lamang Sabado, Nobyembre 11, 2023.
Kinilala ni PBGen Jose Melencio Nartatez Jr, Regional Director ng NCRPO, ang suspek sa pangalang “Darell John”, 36 anyos at residente ng Brgy. Barreto, Olongapo City.
Ayon kay PBGen Nartatez Jr, hinuli ang suspek dahil sa ilegal na paggawa ng mga fake accounts sa iba’t ibang social media platforms kung saan nabiktima niya ang iba’t ibang personalidad mula sa pinakamataas na opisyales ng kapulisan sa NCRPO upang manloko at manghingi ng pera sa publiko.
Nakorner siya sa isinagawang dragnet operation ng Regional Special Operations Group-Regional Intelligence Division (RSOG- RID NCRPO), Anti-Terrorism Squad-Regional Intelligence Division (ATS-RID NCRPO) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Olongapo City Forensic Unit.
Nakumpiska sa suspek ang iba’t ibang sim cards, mga identification cards at isang unit ng cellphone.
Nahaharap si alyas “Darell” sa kasong paglabag sa Section 4, para 3 (b) Computer-related Identity Theft ng RA 10175 at Estafa in relation to Section 6, R.A. 10175 o mas kilala bilang Cybercrime Prevention Act of 2012.
“Ipagpapatuloy ng NCRPO ang kanilang agresibong kampanya na tanggalin ang lahat ng mapanlinlang na aktibidad kasama ang mga pekeng account sa mga social media platform. Sa lahat ng tao sa likod ng mga pekeng account at online-scamming partikular ang mga personalidad na gumagamit ng pagkakakilanlan ng isang tao o sinumang miyembro ng komunidad para sa personal na mga pakinabang at illegal activities, let this be a lesson. Ang pagdakip sa suspek na ito ay nagsisilbing babala, susundan ka namin,” pahayag ni PBGen Nartatez Jr.
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos
Source: PIO NCRPO