Arestado ang isang notoryus na akyat-bahay at snatcher sa isinagawang pagpapatrolya ng mga kapulisan ng Sta. Cruz Police Station 3 ng Manila Police District (MPD) nito lamang Martes, Pebrero 27, 2024 sa kanilang nasasakupan.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez, Station Commander, ang suspek na si alyas “Roger”, 23 anyos, isang miyembro ng Sputnik Gang at naninirahan sa Barangay 356 Old Antipolo, Sta. Cruz, Maynila.
Nadakip ang suspek sa mabilis na pagresponde ng mga nagpapatrolyang kapulisan ng Alvarez PCP sa kanto ng Antipolo Street at Severino, Barangay 356, Sta. Cruz, Maynila kung saan nakumpiska mula sa suspek ang pen gun loader ng isang .38 kalibre na bala.
Napag-alaman na notoryus ang suspek na sangkot sa ilang insidente ng akyat-bahay at robbery snatching sa lungsod. Modus ng suspek na mag-ikot na tila nangangalakal habang sumisipat ng bahay na kanyang papasukin o mga tao na mabibiktima nito.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek. Pinaghahanap na rin ang kasama niyang si alyas Andal na markadong snatcher din sa lugar.
Kaugnay nito, panawagan ng Alvarez PCP sa ilang mga posibleng nabiktima ng suspek na lumantad at magtungo sa naturang prisinto upang makapagsampa ng karagdagang kaso laban sa suspek. Patuloy naman ang pagpapalakas ng Police Visibility ng prisinto bilang crime prevention sa kanilang area of responsibility.
Source: Police Big Brother
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos