Naaresto ng Police Regional Office 6 ang isang mataas na miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG), na itinuturing na 2nd Most Wanted Person (MWP) sa Western Visayas, kasama ang tatlong iba pang kasapi ng CTG sa Brgy. Buyu-an, Tigbauan, Iloilo noong Disyembre 7, 2023.
Ang kinikilalang Top 2 MWP sa rehiyon na may alyas na Mig, Joan, at Ron-ron, ay naaresto ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division 6 (RID6) kasama ang RFMB 6, CIU-ICPO, Tigbauan Municipal Police Station, Miag-ao Municipal Police Station, at 1st IPMFC bandang 12:05 ng hapon sa nasabing barangay.
Ayon kay PBGen Sidney N Villaflor, RD PRO6, ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng Warrant of Arrest, sa mga kasong Attempted Murder, Double Destructive Arson, at Multiple Attempted Murder, Direct Assault with Attempted Homicide at isa pang Multiple Attempted Murder na may mga inirekomendang piyansa.
Ayon pa kay PBGen Villaflor, naaresto din sa naturang operasyon ang tatlong iba pang miyembro ng CTG, na kinilalang sina alyas Filomena, Fe, at Manuel na nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 11479 o ang “Anti-Terrorism Act of 2020.”
Sa kasalukuyan, ang lahat ng naarestong indibidwal ay nasa custodial facility ng Tigbauan Municipal Police Station habang hinihintay ang karagdagang legal na proseso upang harapin ang kanilang mga kaso.
Samantala, binigyang diin ni PBGen Villaflor ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at sa matatag na kooperasyon ng mamamayan upang masugpo ang kriminalidad sa rehiyon.
Aniya, “Sa atin pong pagtutulungan, kasama ang lahat ng ahensya ng gobyerno pati na din po ng ating mamamayan ay makakamit din po natin ang ating minimithing kapayapaan at kaunlaran.”