Nahuli ang 1,296 na wanted persons sa ikinasang operasyon ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office sa buong Metro Manila nito lamang buwan ng Abril 2025.
Sa naturang bilang, 528 ang kinilalang Most Wanted Persons (MWPs) habang 768 naman ang Other Wanted Persons (OWPs). Nanguna sa may pinakamaraming naaresto ang Quezon City Police District (QCPD) na may 297, sinundan ng Southern Police District (SPD) na may 282, Manila Police District (MPD) na may 273, Northern Police District (NPD) na may 247, at Eastern Police District (EPD) na may 197.
“Ito ay patunay ng walang humpay na aksyon ng NCRPO para alisin sa lipunan ang mga mapanganib na indibidwal—mga maysala sa karumal-dumal na krimen gaya ng pagpatay, panggagahasa, at paulit-ulit na paglabag sa batas. Nandiyan man sa pinakamalalim na sulok ng siyudad o nagtatago sa mata ng batas, titiyakin ng NCRPO na makakamit ang hustisya. Hindi kami titigil hangga’t ang bawat warrant ay hindi naisusulong—dahil sa likod ng bawat warrant ay may biktimang naghihintay ng katarungan,” ani PMGen Aberin.