Isinagawa ng Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ni Chief PNP, Police General Rommel Francisco D. Marbil, ang taunang inspeksyon ng disaster response equipment sa PNP Multi-Purpose Center sa Camp Crame at sa lahat ng Police Regional Offices sa buong bansa ngayong araw ng Mayo 21, 2025.
Ito ay may layuning tiyakin ang sapat na kagamitan at kakayahang rumesponde sa oras ng sakuna at emergency.


Sinuri ang kakayahan ng mga nakaimbak na disaster response assets kung ang mga ito ba’y gumagana, nasa kondisyon, at may sapat na bilang, gayundin ang pagtukoy sa mga kakulangan at ang pagrekomenda ng mga kailangang pag-amyenda o karagdagang kagamitan.



Saklaw din ng inspeksyon ang kakayahan ng PNP sa pagtugon sa sakuna na may kabuuang bilang na 21,840 tauhan na sinanay sa Urban Search and Rescue (USAR), Water Search and Rescue (WASAR), Collapsed Structure Search and Rescue (CSSR), at Humanitarian Assistance and Disaster Relief (HADR). Kasama sa suporta sa mga rumespondeng tauhan ang 8,422 piraso ng pangunahing kagamitan sa pagsagip, 9,328 sasakyang pangtransportasyon, at 26,110 communication devices.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PGen Marbil ang kahalagahan ng pagiging handa sa harap ng tumitinding banta mula sa mga natural at gawa ng taong panganib. Aniya, “Huwag nating kalimutan na ang PNP ay hindi lamang puwersa ng kaayusan, kundi puwersa rin ng malasakit, katapangan, at dedikasyon. Sama-sama nating ipaglaban hindi lang ang kapayapaan, kundi ang buhay mismo.”