Inilunsad ng mga kapulisan ng Antipolo Component City Police Station para sa publiko ang National Police Clearance System (NPCS) Satellite na ginanap sa Lingkod Bayan Center Robinsons Place, Antipolo City, Rizal nito lamang ika-27 ng Agosto 2024.
Pinangunahan ng masigasig na si Police Colonel Felipe B Maraggun, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office, ang aktibidad katuwang si Police Lieutenant Colonel Ryan L Manongdo, Acting Chief of Police ng Antipolo Component City Police Station kung saan siya ay nagpabatid ng kanyang mensahe at pasasalamat sa suporta ng ibinigay ng mga mamamayan.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad si Police Colonel Christopher M Abecia, Acting Deputy Regional Director for Administration PRO 4A, kasama sina Honorable Randy Puno, Board Member of Antipolo City at Ms. Cristina Manalo, Regional Operations Manager Robinsons Mall bilang mga panauhing pandangal na nagpaabot din ng kanya kanyang mensahe sa mga dumalo.
Labis din ang pasasalamat ng mga mamamayan sa inilunsad na proyekto ng ating mga kapulisan upang mas mapadali ang kanilang pagproseso ng mga pangunahing dokumento na kailangan sa pagpasok ng trabaho.
Ang paglunsad ng National Police Clearance System (NPCS) satellite ng mga kapulisan katuwang ang pamahalaan ay mahalaga sa pagpapabilis ng proseso ng pagkuha ng police clearance, na kritikal sa mga transaksyong legal, tulad ng trabaho, negosyo, at iba pang serbisyong publiko.
Sa pamamagitan din nito ay mas nagiging accessible ang clearance sa mas maraming tao lalo na sa mga lugar na malayo sa mga pangunahing opisina ng kapulisan. Nakatutulong din ito sa pagpapalakas ng seguridad at kaayusan sa ating bansa dahil mas mabilis na naipapamahagi ang mahalagang impormasyon ukol sa mga indibidwal. Ito rin ay bahagi ng modernisasyon ng serbisyo ng pulisya para sa mas epektibong pagtugon sa pangangailangan ng publiko.
Source: Rizal Police Provincial Office