Calapan City, Oriental Mindoro – Mapayapa, maayos at matagumpay ang naganap na Pambansa at Lokal na Halalan sa pangkalahatan sa MIMAROPA noong Mayo 9, 2022.
Ayon kay Police Brigadier General Sidney Sultan Hernia, Regional Director ng Police Regional Office MIMAROPA, ang datos mula sa Regional Investigation and Detective Management Division ay nagpapakita na ang PRO MIMAROPA ay napanatili ang zero election-related incidents (ERI) sa mga botohan ngayong taon hindi tulad noong 2016 at 2019 elections kung saan 8 at 3 ERI ang nangyari ayon sa pagkakasunod.
Ayon pa kay PBGen Hernia, humigit-kumulang 5,000 na tauhan ng PNP kasama ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard ang naka-deploy sa iba’t ibang probinsya at lungsod sa buong rehiyon upang bantayan ang 1,555 polling precincts.
Dagdag pa ni PBGen Hernia, bago ang araw ng halalan, nagsagawa na ang PNP ng mga programa at inisyatibo kaugnay ng mapayapang pagsasagawa ng NLE 2022, tulad ng Unity Walk at Peace Covenant Signing, Muzzle Taping ng mga baril ng mga kandidato sa pulitika at kanilang mga security personnel, paglulunsad ng PNP KASIMBAYANAN, pinaigting na kampanya laban sa loose firearms, at Synchronized COMELEC Checkpoints.
“Ang mapayapang pagsasagawa ng halalan ay maaaring maiugnay sa pakikipagtulungan at pangako ng mga kandidato sa pulitika na umiwas sa anumang karahasan pati na rin ang suporta ng publiko sa pagpapatupad ng mga batas at regulasyon sa halalan”, ani PBGen Hernia.
Source: RPIO MIMAROPA
###
Panulat ni Patrolman Erwin Calaus