Magandang araw po sa inyong lahat. Purihin ang Panginoong Diyos sa Kanyang patuloy na gabay at patnubay sa ating lahat. Nawa ay nasa mabuti kayong kalagayan habang binabasa ninyo ang aking kolum. Kagalakan ko po ang magpahayag ng “Mabuting Balita” mula sa “Banal na Kasulatan”. Samahan po ninyo ako sa pagbubulay-bulay ng “Salita ng Diyos”.
Kapag tayo ay nasa simbahan o fellowship ay nararamdaman natin ang kanilang mainit na pagtanggap sa atin. Sa pintuan pa lamang bago magsimula ang pananambahan ay kinakamayan tayo at sinasamahan sa upuan. Halos lahat ng nasa simbahan ay nakangiti at kinakamayan tayo. Ito ang naging karanasan ko sa IRM Km. 37 sa Pulong Buhangin, Sta Maria, Bulacan. Simula noon ay dumadalo na ako sa Banal na gawain. May mga kapatiran na gumabay sa akin upang lumalim ang pananampalataya sa Panginoong Diyos, magbasa at magbahagi ng “Salita ng Diyos”. Salamat sa mga taong naglaan ng oras at panahon upang ako ay turuan at gabayan.
Ano ang nagbunsod sa kanila upang ako ay turuan at gabayan?
Ito ay dahil sa pag-ibig sa Diyos at pagsunod sa Kanyang utos. Ayon sa “Bagong Tipan” sa 1 Juan 4:21, “At ang utos na ito ay mula sa kanya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat umibig sa kanyang kapatid.”
Ang pag-ibig ang siyang pinakadakilang bagay na ating naranasan mula sa ating Panginoong Diyos. Ang utos ay maaari lamang nating iukol kung ito ay ating naranasan mula sa Kanya. Iniibig natin ang ating mga magulang dahil naranasan natin mula sa kanilang pagmamahal. Dahil mahal natin sila ay magagawa nating sundin ang ipinag-uutos nila sa atin.
Paano ba natin dapat iibigin ang kapatid?
Sa Pambansang Pulisya ay nasa ilalim tayo ng pamumuno ng ating mga opisyal mula sa ating Pangulo, Hepe ng Pambansang Pulisya at Direktor. Nararapat na sundin natin ang batas at alituntunin na pinaiiral sa ating organisasyon. Ang inyo pong lingkod ay nagagalak na mapabilang sa kaanib ng Pambansang Pulisya. Ang Internal Cleansing Strategy sa PNP na ngayon ay Memorandum Circular 20-2020, “Internal Disciplinary Mechanism”. Ito ay naglalayon na mapanatili sa hanay ng kapulisan ang disiplina at matulungan ang mga kabaro natin na magbago at maituwid ang lihis na landas.
Ang pagtuturo ng Values Life Coach sa Pambansang Pulisya.
Ang Squad Weekly Interactive Meeting (SWIM) sa ilalim ng “Preventive Approach”. Ang bawat squad ay may Values Life Coach na nagtuturo at nagbibigay gabay sa ating kapulisan. Ang Team leader ang siyang tagapanguna sa squad members. Ang gawaing ito ay hindi for compliance lang, kundi ito ay magkaroon ng impact sa opisina, pamilya at komunidad. Ang mga Pastor, Pari at Imam na tumatayong Values Life Coaches sa mga Squads ay kusang loob na naglalaan ng oras at panahon sa pagtuturo ng “Salita ng Diyos” ng walang bayad o sahod dahil sa pagmamahal nila sa Diyos at sa kapulisan. Nakakalungkot isipin na may mga ilang kabaro tayo na hindi pinapahalagahan ang serbisyo at paglilingkod ng ating mga Values Life Coaches. Maaaring may pagkakataong natatamaan tayo sa “Salita ng Diyos”, ito ay mabuti sapagkat makakatulong ito sa atin upang makita natin ang ating sarili, kung tayo ay namumuhay ng mabuti. Ang pagiging masigasig sa pagdalo ng Squad Weekly Interactive Meeting (SWIM) ay nagbibigay saya at kagalakan sa ating mga Values Life Coaches, lalo na sa nakikitang pagbabago ng mga squad members. Kapag nagbago ang squad members, ang pamilya ang unang nakikinabang. Sumasaya ang asawa, mga anak, napapansin ang magandang trabaho sa opisina at nakikita ng mga sibilyan ang pagbabago.
Nang dahil sa pag-ibig sa Panginoong Diyos, ay inaabot ng ating Values Life Coaches sa ibaˈt ibang dako ng ating bansa. Katuwang natin upang ang ating kapulisan at makamit ang tunay na pagbabago. Ang Pulis ay Maka-Diyos, Maka-Tao, Maka-Bansa, Maka-Kalikasan at Maka-Pamilya!
Ang pagmamalasakit ng Team Leader sa Squad Members.
Ang mga Team Leaders sa mga squads ay may malaking tungkuling ginagampanan upang i-monitor ang status at sitwasyon ng kanyang mga miyembro. Sila ang nagsisilbing kuya at ate sa grupo. Ang kanilang pagmamalasakit ay nakakatulong ng malaki upang matulungan ang ating kasama na mayroong mabigat na pinagdadaanan. May mga panahon na kaaya-aya ang panahon sa ating buhay, walang masyadong inaalala dahil sapat ang lahat ng pangangailangan. Ngunit sa sandaling dumating sa atin ang kabalisahan at kalituhan ay hindi natin alam ang ating gagawin. Ang Team Leader ang tutulong sa pakikipag-usap sa squad members upang ipaabot sa pinuno ang problema sa layuning matulungan ito.
Salamat Team Leaders sa inyong pag-ibig sa Panginoong Diyos. Iyan ang dahilan natin sa pagmamalasakit sa ating kabaro.
#####