Tinulungan ng grupo ni Police Colonel Marvin Joe C Saro, Acting Director ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG) ang isang naaksidenteng motoristang nakahandusay sa gilid ng daan at ang kanyang motor na nakalatag sa aspalto sa kahabaan ng Camp 3, Kennon Road, Tuba, Benguet nito lamang umaga ng Enero 19, 2025.
Sa tulong ng maagap na Barangay Officials at mga boluntaryong residente, kaagad na sinuri ang sitwasyon, mga vital signs, at tinanong ang motorista kung saan ito nakaramdam ng sakit.
Matapos masiguro na ang motorista ay stable ang condition, agad itinawag sa mga tauhan ng Tuba Municipal Police Station at Baguio City Police Station 8, para humingi ng tulong at ambulansya.
Dumating ang pulisya at maingat na inasikaso ang motorista, binigyan ito ng first aid, at tiniyak na ito ay ligtas bago dalhin sa pinakamalapit na ospital para sa mas masusing pagsusuri.
Samantala, habang isinasagawa ang rescue operation, pinatili ng PNP ang kaligtasan ng ibang mga motorista sa pamamagitan ng pagbantay sa daloy ng trapiko at pagsiguro na walang anumang sagabal sa kalsada.
Pinaalalahanan naman ni PCol Saro ang lahat ng motorista na maging laging alerto at maingat sa kalsada, huwag kalimutang magsuot ng helmet at iba pang protective gear, at tiyakin na nasa maayos na kondisyon ang inyong motor o sasakyan bago bumiyahe.
Panulat ni Patrolwoman Charlyn Gumangan