Nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Silang Municipal Police Station kaugnay sa naaagnas na labi ng tao na natagpuan sa daluyan ng tubig sa loob ng Westbound Post ng CALAX (Cavite-Laguna Expressway) sa Barangay Kaong, Silang, Cavite noong ika-18 ng Marso 2024.
Sa pamumuno ni PCol Eleuterio M Ricardo Jr., Provincial Director ng Cavite Police Provincial Office, inatasan niya ang Chief of Police ng Silang MPS na imbestigahan at gawin ang lahat ng paraan para sa agarang pagkakakilanlan ng biktima at suspek hinggil sa insidente.
Agad namang naglabas ng flash alert ang Silang MPS para sa pinakamalawak na pagpapakalat ng nabanggit na insidente at humingi ng tulong sa Forensic Unit para magsagawa ng masusing imbestigasyon at nakipag-coordinate na din sila sa CALAX Management para sa pagkuha ng CCTV footage.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag sa telepono ang Silang MPS mula sa mga tauhan ng CALAX na nag-ulat ng isang katawan ng hindi pa nakikilalang tao na naaagnas na.
Humihingi ang ating kapulisan ng tulong sa komunidad para sa anumang impormasyon na maaaring makatulong sa paglutas ng kaso. Mangyaring makipag-ugnayan sa numero ng cell phone 0998-598-5622 at sa Silang MPS Hotline sa 0995-387-8996.
Ang pwersa ng buong hanay ng kapulisan ay patuloy sa pagtutok para sa kaayusan at seguridad ng ating lipunan, na isa sa pangunahing layunin ng kasalukuyang administrasyon upang maisakatuparan ang isang mas ligtas, mapayapa at maunlad na Bagong Pilipinas.
Source: Cavite Police Provincial Office
Photo Courtesy by Manila Times