Makabuluhang ipinagdiwang ng Armed Forces of the Philippines at iba’t ibang Uniformed Agencies ang Musical Theater Production at MusiKalayaan 2024 “Pagtatanghal ng mga Bayani” sa Open Air Auditorium sa Rizal Park, Manila nito lamang ika-7 ng Hunyo, 2024.
Ang naturang aktibidad ay maituturing na kauna-unahang MusiKalayaan event na nagtampok ng musical theater play na pinangunahan ng Media at Civil Affairs Group, Civil Relations Service ng AFP.

Ito ay pinamagatang “PMA (Pangarap, Mensahe, Adhikain): Semi Musikal na Dula at Konsyerto ng bayaning Pilipino” na naglahad sa mga pangarap ng iba’t ibang sangay ng Sandatahang Lakas at nagpapakita ng kanilang mga adhikain at dedikasyon na maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng musika at drama. Ang mga karakter sa teatro ay nagmula sa tatlong pangunahing serbisyo ng AFP kabilang ang Philippine Army, Philippine Air Force, Philippine Navy na nagtampok ng iba pang unipormadong ahensya: Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Baseco, Cadet Youth Group, at ang GHQ String Ensemble.

Ang nasabing kaganapan ay may layuning ipagdiwang ang diwa ng ika-126 na Araw ng Kalayaan at pagiging makabayan sa pakikipagtulungan ng National Development Committee at ng National Historical Commission of the Philippines.
Dagdag pa rito, itinampok din ang kahalagahan ng pagprotekta sa integridad at soberanya ng teritoryo ng bansa, partikular sa West Philippine Sea, na binibigyang-diin ang papel ng militar sa pangangalaga sa interes ng Pilipinas at mga karapatang maritime.
Masayang nagtapos ang 3-hour MusiKalayaan 2024 na natunghayan nang live sa nasabing lugar maging sa Facebook livestreaming ng AFP Radio DWDD.
Panulat ni Tintin