Itinaas sa full alert status ang buong puwersa ng Manila Police District (MPD) bilang paghahanda sa paparating na 2025 Midterm Elections sa lungsod ng Maynila, ito ay alinsunod sa direktiba ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) upang tiyakin ang maayos, ligtas, at mapayapang halalan sa buong bansa nito lamang Biyernes, Mayo 9, 2025.
Pormal na ipinag-utos ang deployment at briefing ng mga tauhan ng MPD na pinangunahan ni Police Brigadier General Benigno L Guzman, Officer-In-Charge ng MPD, kasama ang mga opisyales ng distrito, kung saan ipinabatid ang mga security measures kabilang ang election watchlist monitoring, checkpoint operations, at rapid response protocols sa oras ng kaguluhan.
Ayon kay PNP Chief General Rommel Francisco D. Marbil, handang-handa na ang Pambansang Pulisya sa pagbibigay seguridad laban sa mga grupong posibleng maghasik ng kaguluhan o manggulo sa halalan.
Nakaantabay rin ang mga Quick Reaction Teams (QRTs) at Election Monitoring Action Centers (EMACs) sa bawat lungsod at lalawigan para sa mabilisang tugon sa mga insidente o reklamo mula sa mga botante.
Kaugnay nito, ang MPD ay nagsagawa ng tactical formation at orientation para sa lahat ng station commanders at mga nakatalaga sa critical areas.
Kasama sa mga itinuro ay ang wastong paghawak ng election-related incidents, pagprotekta sa mga polling precincts, at koordinasyon sa Commission on Elections (COMELEC) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Tiwala ang PNP na sa tulong ng publiko, COMELEC, AFP, at iba pang ahensya, magiging matagumpay ang halalan ngayong taon.
“Hindi natin papayagan ang sinuman na sirain ang integridad at kredibilidad ng halalan. Ang ating mga kapulisan ay may malinaw na mandato—siguraduhing ligtas, tahimik, at mapayapa ang pagboto ng mamamayan,” ani Gen Marbil.