General Santos City – To the rescue ang mga tauhan ng Regional Police Community Affairs and Development Unit 12 sa insidente ng banggaan sa Brgy. Fatima, General Santos City nito lamang Mayo 23, 2022.
Nangyari ang insidente bandang 5:00 ng hapon sa tapat mismo ng Mindanao State University kung saan 3 sa biktima ang lubhang sugatan.
Kinilala ang mga sugatang biktima na sina Joseph Advincula, Ervin Calderon na parehong residente ng Brgy. Fatima at Vince Francisco na residente ng Brgy. Mabuhay, General Santos City.
Habang pauwi sina Patrolman Gio Batungbacal, Patrolman Charnie Mandia, Patrolwoman Sherie-Ann Masi at Patrolwoman Vanessa Gomez ay pumukaw sa kanilang atensyon ang nagkumpulang tao at hindi umuusad na daloy ng trapiko.
Dito nila napag-alaman na may nangyaring banggaan sa pagitan ng dalawang motorsiklo kung saan nakita nila ang tatlong lalaking sugatan at dalawa dito ang walang malay.
Agad na gumawa ng hakbang si Patrolman Batungbacal at Patrolman Mandia upang kontrolin ang daloy ng trapiko at ilayo ang mga tao sa mga sugatang biktima upang maging maayos ang pinangyarihan ng insidente at makapagbigay agad ng first-aid ang dumating na rescuer.
Samantala, agad namang nilapitan ni Patrolwoman Gomez at Patrolwoman Masi ang dalawang batang umiiyak at inalis ang mga ito sa pinangyarihan ng insidente na kalaunan ay napag-alamang anak at kapatid pala ng biktima.
Agad namang dumating ang mga tauhan ng Police Station 7 at agad na dinala ang mga biktima sa pinakamalapit na ospital.
###
Panulat ni Patrolman Gio Batungbacal