Sa isang nakakaantig na kilos, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month, isang pulis ang nagpakita ng tunay na malasakit sa isang bagong silang na sanggol sa San Andres, Catanduanes, noong Marso 11, 2026.
Natagpuan ang isang babaeng sanggol, na nakabalot lamang sa isang raincoat sa ilalim ng punong mangga sa Sitio Lawag, Brgy. Lictin, ng isang concerned citizen. Agad namang rumesponde ang rescue team mula sa San Andres Municipal Police Station, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at MDRRMO San Andres.
Ngunit bukod sa kanyang tungkulin, ipinakita ni Pat Shiela Mae Rodriguez ng Catanduanes Police Provincial Office ang “motherly care” sa pamamagitan ng pagpapabreastfeed sa sanggol, tiniyak na nakatanggap ito ng agarang nutrisyon habang naghihintay ng karagdagang medikal na atensyon.
“Ang ganitong aksyon ay hindi lang simpleng kabutihang loob; ito rin ay pagpapakita ng puso ng PNP sa ating kababayan,” ani Chief PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. “Sa bawat hakbang na may malasakit at dedikasyon, pinapalakas natin ang tiwala ng publiko sa ating serbisyo.”
Dagdag pa niya, “Sa pagdiriwang natin ng National Women’s Month, makikita natin na ang malasakit at serbisyo ay hindi lang para sa batas, kundi para rin sa bawat mamamayan, lalo na sa mga nangangailangan.”
Ang ipinakitang kabutihang loob ni Pat Rodriguez ay patunay na sa Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman, ang serbisyo ng pulisya ay hindi lang batas at seguridad kundi tunay na malasakit sa tao.
(PNP-PIO)



