Davao City – Bistado ng Baliok Police Station ang modus ng isang ahente at driver ng isang kumpanya ng softdrinks matapos magpanggap na nahold up sa Cawa-cawa, Brgy. Catalunan Pequeno, Davao City nito lamang Abril 19, 2022.
Kinilala ni PMaj Romeo Mapanao, Station Commander ng nasabing istasyon ang mga naarestong suspek na sina Noland Jay Malicana, 28, at Meljhon Aninon Dinoy, 29.
Ayon kay PMaj Mapanao, nabisto at naaresto ang dalawa matapos sila magreport sa nasabing istasyon na sila raw ay nahold-up at tinangay ang kanilang kinitang pera ngunit kalaunan ay umamin ang driver nito na ito ay hindi totoo, bagkus sila ang mismong kumuha ng kita na nagkakahalaga ng Php29,000.
Dagdag pa ni PMaj Mapanao, nakuha rin mula sa mga suspek ang pitong pakete ng hinihinalang shabu at tinatayang 0.21 gramo na may street market value na Php3,500.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng nasabing istasyon upang sampahan ng kaukulang kaso at upang dumaan sa tamang disposisyon.
Lubos naman na nagpapasalamat ang may-ari ng kompanya sa PNP sa pagkakadiskubre ng modus ng mga suspek.
Kasabay nito ay pinaalalahanan naman ng Police Regional Office 11 ang mga mamamayan at mga kompanya na maging mapanuri sa mga kinukuhang trabahador o empleyado.
###
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara