Roxas City, Capiz – Arestado ang isang High Value Individual (HVI) na NPA member habang patuloy pang tinutugis ang dalawa pa nitong mga kasamahan sa magkakahiwalay na manhunt operation ng Pambansang Pulisya sa Roxas City, Capiz nitong ika-2 ng Setyembre, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Marlon Santos, Regional Chief, Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 6, ang naaresto na si Lenilyn Jaynos y Custorio na may mga alyas na Sandra at Elizabeth, 45, single, isang NGO worker, residente ng Block 4, Lot 17, Happy Homes Subdivision, Barangay Sibaguan, Roxas City, Capiz at isang miyembro ng Regional Finance ng Komiteng Rehiyon-Panay.
Habang ang dalawa pa nitong mga kasamahan ay kinilala namang sina Cirila Estrada y Cordon Alias Sheila Gonzales at Cora, residente ng Block 4, Lot 17, Happy Homes Subdivision, Barangay Sibaguan, Roxas City, Capiz at Secretary ng Southern Front, KR Panay; at si Marivie Arguelles y Bartolome, residente ng Block 4, Lot 17, Happy Homes Subdivision, Barangay Sibaguan, Roxas City, Capiz at isa namang Provincial Coordinator ng GABRIELA Capiz Province Chapter.
Naaresto si Jaynos sa kanyang bahay sa pinagsamang operatiba ng CIDG RFU6 Capiz PFU na siyang Lead Unit kasama ang CIDG Antique PFU, 301st Brigade PA, RID-PRO 6, 7ISU, AIR, PA 3MIB, 3ID, JITU 301B PA, 3ID-PA, Roxas City PS, PIU Capiz PPO, 1st PMFC Capiz PPO at Capiz EOD Unit. Samantala hindi naman naabutan ng mga operatiba ang dalawa pa nitong mga kasamahan.
Nakumpiska sa kanya ang isang yunit ng caliber .45 Caspian with Serial No. 570860, isang yunit ng caliber .45 Colt with serial No. 322639, dalawang piraso ng magazine assembly for Caliber .45, 82 rounds ng live ammunition para sa caliber .45, isang yunit ng MK2 Fragmentation Hand Grenade, isang yunit ng PRB 423 Fragmentation Hand Grenade, isang piraso ng plastic box para sa hand grenade, at iba pang mga dokumento.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516 o Illegal Possession of Explosives.